Sana hindi nila ibahin ang limitasyun sa edad ng gusto kumandidato para presidente at bise-presidente. Natatakot kasi akong tumakbo si Manny Pacquiao sa 2016 at mananalo. Kawawa naman ang bayan.
Kamakailan sinabi ni Pacquaio na hindi pa naman ang pagka- presidente ng bansa ang sunod na pinupuntirya nya sa 2016. Bise- presidente daw.
Sunod na araw, sinabi na mali daw ang report. Dahil alam naman daw niya na hindi pa siya qualified para tumakbo kahit sa pagka bise-presidente. Pareho naman ang age requirement sa mga gustong kumandidato sa pagka presidente at bise-presidente. Kailangan 40 na taong gulagg sa araw ng eleksyun.
Sa Mayo 2016, ang sunod na nasyunal eleksyun, 37 taong gulang pa lang si Pacquiao.
Bilib ako kay Pacquiao bilang boksingero ngunit bilang public servant, pansarili pa rin ang base ng kanyang mga desisyun. Hindi ko makalimutan ang sagot niya sa akin noong kampanya ng tanungin ko siya kung bakit gusto niya magiging congressman. Sabi niya para daw makakatulong sa kanyang mga kababayan.
Sinabi ko sa kanya, pwede naman siya makatulong sa kanyang mga kababayan kahit hindi siya kongresista. Marami naman siyang pera.
Sabi niya, “pera ko ang ginagamit ko ngayon. Mauubos yun. kawawa naman ang aking pamilya.”
Kaya pala gusto niya magiging kongresista para ang pera na itutulong niya sa kanyang mga kababayan ay manggagaling sa kaban ng gobyerno. Pera ng taumbayan. Wise nga naman.
Kaya, pagkatapos ng eleksyun, lumipat kaagad siya sa partido ni Pangulong Aquino para mapadali ang paglabas ng kanyang pork barrel.
Ngunit pagdating sa botohan sa isyu, hindi naman sumusunod si Pacquiao sa sinusulong ng Malacanang katulad na lang ng pag-impeach kay Ombudsman Merceditas Gutierrez na bomoto siya ng “No.’
Kung ibaba ang limitasyun sa edad ng mga gustong kumandidato sa pagka-presidente at bise-presidente at tatakbo si Pacquiao sa 2016, naku, baka manalo yan.
Sa 2022 na nasyunal eleksyun na lang siya tumakbo. Retirado na siya noon sa boksing. Kung gusto talaga siya ng tao kahit laos na siya sa boxing, okay nay an.
Ayon sa report, sinabi ni Sen. Franklin Drilon na sang-ayon raw si Senate President Juan Ponce-Enrile at House Speaker Feliciano Belmonte sa kanyang panukala na amyendahan ang Constitution sa pamamagitan ng Constitutent Assembly.
Ibig sabihin noon, ang mga miyembro ng Kongreso ngayon, pareho ang mga kongresista at mga senador ang siyang magre-repaso at mag-amyenda ng Constitution. Hindi na ang Consitutional Convention kung saan boboto pa tayo ng magiging miyembro ng Convention na siyang mag-papalit ng Constitution.
Hindi pa sinabi ni Drilon ang mga parte ng Constitution na sa paniwala niya ay kailangan baguhin para lalong makatulong sa pag-unlad ng bansa ngunit sinabi niya na tungkol daw sa ekonomiya.
October 2, 2011 10:41 pm Tags: Cha-Cha, Manny Pacquiao Posted in: 15th Congress, Cha-Cha